“Kristiano pa ba ako?”, tanong ng dating tagahanga at nagtatanggol sa pamilyang Marcos

pilipinas rocks kristiano pa ba ako

Ang mababasa sa ibaba ay testimony ni Raniel Gallardo kung paano siya namulat mula sa pagiging pro-Marcos, at ngayon ay hindi na. Dinagdagan na lamang namin ito ng subheading para mas madaling basahin. Ganunpaman, mababasa rin ang verbatim na post ni Raniel sa ibaba ng article.


TULAD PO NINYO, HUMANGA DIN AKO KAY MARCOS SR. AT BUMOTO DIN KAY MARCOS JR.

Halos anim na taon na yung nakalipas mula noong shinade ko yung bilog sa tabi ng pangalang “Ferdinand Romualdez Marcos, Jr.” sa balota. Naaalala ko pa yung feeling: proud and nostalgic dahil parang nagpe-play na slideshow sa utak ko yung mga kwento ng mga matatanda tungkol sa golden age ng Martial Law. Pakiramdam ko noon ginawa ko nang maigi ang tungkulin ko sa bansa: ang bumoto nang tama.

Proud din ako dahil nag ‘research’ ako kinagabihan bago ang botohan. Tulad ng legit na “Rush-an” (term ko sa mga procrastinator tulad ko), madaling araw ako nag ‘research’ para masiguro kung okay ba yung pipiliin kong kandidato sa pagka-VP. Sure na kasi ako sa choice ko sa pagka-presidente kaya sa VP ako nagfocus. Kaya ayun, chineck ko yung website ni BBM at nagfollow ako sa FB page niya.

Kampante din ako sa choice ko kasi madami naman palang nagawa (ayon sa website niya) at tahimik kahit ang dami nang binabatong issues sa kanya. “Aba, okay ‘to ha. Chill lang kahit ‘sinisiraan’ na” – yan yung dalawang rason kaya tumibay yung palagay ko na siya ang iboto.

Walang dayaan

Fast forward, natalo sa eleksyon si BBM. Nagkaroon ng mainit na balitaktakan sa social media at iba pang news platforms. Nakipag-argumento ako sa FB, in a respectful way, in support of BBM. Pero by that time, medyo nagdadalawang-isip na ‘ko dahil sa mga ebidensya na nagpapatunay na wala namang dayaan talaga.

Imahe ng mga Marcos

Pero pinipilit ko pa ding kumapit sa imahe ng mga Marcos na tumatak sa kamalayan ko: mahuhusay na lider, matatalino, maraming nagawa, mahusay magsalita, etc. Kapag may pag-atake kay Marcos, Sr. ang sasabihin ko eh: “Hindi niya naman alam lahat ng ginagawa ng mga nasa baba niya” at iba pang pagtatanggol.

Pinag-aralan ang kabilang panig

Then after some months, nagpasya akong seryosohin yung pag-alam sa mga kwento ng mga tinuturing na ‘komunista,’ ‘aktibista,’ at ‘salot sa lipunan,’ lalo na noong panahon ng Martial Law .

Ang nagbunsod sakin na gawin ito ay yung pagkatuklas ko din sa aspeto ng pananampalatayang Kristiano na hindi ‘selfie spirituality’ ang peg; instead, yung espiritwalidad na may pakialam sa mga nasa laylayan ng lipunan. Ito din yung espiritwalidad na hindi lang stairway to heaven ang concern kundi kung paano susundin si Kristo sa kasalukuyang lagay ng lipunan.

Namulat dahil sa kwento ng mga Martial Law victims

Sa madaling kwento, namulat ako sa mga siniil na kwento ng mga biniktima ng pamilyang Marcos at ng kanilang mga galamay noong Martial Law. Nakakapanglumo lalo na’t mahigit isang dekada na akong nagsasabing Kristiano ako at nagsusumikap na sundin si Kristo pero ngayon lang ako natauhan.

Kristiano ba talaga ako?

Anong nangyari sa’kin bakit ni hindi man lang ako nagbaling ng pansin sa mga kwento ng pinahirapan at pinatay ng pamilyang iniidolo ko? Bakit mas handa pa akong ipagtanggol ang mga Marcos? Paano ako humantong sa punto na binoto ko mismo yung anak ni Marcos, Sr.? Paano ko nagawang ibigay yung tiwala ko sa taong hindi marunong umako ng pagkakamali at patuloy pang tinatakpan ang katotohanan alang-alang sa interes nila? Anong klaseng Kristiano ako? O mas on point na tanong: “Kristiano ba talaga ako?”

Salamat kung umabot ka sa bandang dulo ng hanash ko. Gusto ko lang po ipabatid na hindi po ako galit sa mga sumusuporta kay BBM, unless na lang talagang kasama sa mga mapanlinlang na makapangyarihan. Tingin ko ang ilan sa inyo ay tulad ko na nadala nang husto sa isang bersyon ng mga kwento ng nakaraan. Tingin ko din ay gusto din naman talaga ninyo ng mas magandang Pilipinas.

Pundasyon ng pagkakaisa

Kailangan lang talagang tyagain na paangatin ang katotohanan, katarungan, at katuwiran. Kung may panawagan man ng pagkakaisa, walang pagdadalawang-isip akong sasama, yun ay kung katotohanan, katarungan, at katuwiran ang pundasyon. Ilusyon ang pagkakaisa kung wala ang tatlong yan.

Tulad po ninyo, humanga din ako kay Marcos Sr. at bumoto din kay Marcos Jr., pero hindi pa po huli ang lahat. May panahon pa para magsuri – alang-alang sa Diyos at para sa bayan.


0 Shares

Ano masasabi mo dito?